![]() CELESTE
TUMUNONG
Madali akong malasing. Kahit na walang alak. Iakyat lang ako samataas na bundok, hipan ng malamig na hangin, pakitaan ng malawak na dagat na mukhang walang katapusan at walang pinagmulan, padaanan lang ako ng isang malaki at maputing ulap habang nalulula ako ng ilang daang talampakan above sea level. Lasing na ako. Lalo namang ang isang bote ng gin at hindi lang iisang shot nito ay makapagpapatumba sa akin. Ito ang mga dahilang puwede kong ibigay kapag may nagtanong sa akin kung bakit ganun na lang ang ginawa ko ng gabing iyon. Ang maari kong sabihin sa iyo ngayon kung tanungin mo ako. Dahil hindi ko sasabihin at kailan man ay hindi mo malalaman na ikaw ang dahilan ng lahat ng ginawa ko noon. Pero bago mo isiping ang kalahatan mo ang gusto ko, maghunus-dili ka. Nasubukan mo na bang tingnan ang sarili mo sa salamin katapos mong maligo. Pero iba ang mga matang titingin sa iyo. Malamang hindi mo makikita ang mga munting alon sa tiyan mo. Hindi mo siguro mapapansin ang nipis ng bewang na kay daling mabibihag ng dalawang braso if you’ll only keep still long enough for me to do it. Hindi mo rin inaalintana ang bigat ng mga braso mo at ang init na puwede nitong ibigay sa loob ng kubong malamig at madilim. Humihingi ako ng paumanhin, hindi mo nga pala dapat itong problemahin kung hindi mo makita. Hindi ako magkukunwaring ang pangunahing dahilan ng aking paglapit sa iyo noong gabing iyon ay dahil sa talas ng pag-iisip mo, o sa glibness of your tongue. Hind ko idadahilan na ang sensitivity ng human figures you draw ang nagbunsod sa akin para hindi umiwas sa mga ginawa natin. Lalong hindi ko sasabihin na ang pag-alalay mo sa akin sa tuwing ako’y nahihilo dala ng pagkalasing (sa alak) ang pangunahing dahilan ng aking paglapit sa iyo. Alam mo ba kung bakit? Kung hindi mo pa rin alam ay hindi ko na sasabihin. Lasing ka rin ba? Naalala kong hindi ka rin nagpaawat sa pag-ubos ng gin na pinipiga mula sa bote. Ang mga hindi umiinom sa Maynila ay tuluyang nagwawala sa relative ruthlessness ng probinsiya. Kasi walang usok ng sigarilyo na galing sa pagbuga ng may binubugahan at dinidigahan. Ang dilim ay dala ng kawalan ng ilaw, isang bombilya lang na ikinamamatay ng sanlibo’t isang gamu-gamo. Madalas ay kandila lang, humihingi ng liwanag galing sa pinlights, galing sa mga bituin. Isipin mo na lang kung ano ang sasabihin ng mga tao kung matapos nating uminom ay magsasalo tayo sa isang banig? Unheard of sa city, ‘di ba? Isa pa palang hindi ko idadahilan, na walang kinalaman ang gin sa gabing naganap. Habang namimilosopo ang isa nating kasama sa sarili niyang banig, niyaya kitang ilatag ang thermal blanket mo dahil gusto ko ring makita ang mga bituin. Pagkalatag mo nito ay nauna kang humiga. Salamat ha. Umupo ako. At pinang-akay ang kanang kamay ko. At sumunod ang kamay mong akala ko’y nakapatong sa tiyan mo. Binawasan ng alak at ng sarili kong pagnanasa ang pag-alis ng mga daliri ko mula sa tolda ng iyong mga daliri. Hindi ko binalingan ng tingin ang mga kamay natin. Baka kasi 'pag nakita ko ang ginagawa ko at ang itsura ng mga kamay natin ay paghinanan ako ng loob at tuluyang tumayo mula sa banig. Iiwan ang init mo at ang ganda ng night sky. 'Paghiga ko ng banig ay magkahawak na ang ating mga kamay. Una'y mahigpit dahil baka magising tayo pareho sa ginagawa natin at tuluyang magbitaw. Sa higpit na 'yon, pareho nating inamin na hindi natin alam ang ginagawa natin pero ngayong nagaganap na ito ay hindi dapat tumigil. Masarap kasi. Mainit. Hindi lang pala sinag ng araw ang nakakabulag, pati rin pala sinag ng buwan. Kasi ng gabing 'yun, halos humiyaw ako sa pagkakiliti ng gumagapang mong mga daliri. Ang tawag diyan ay mound of Venus, iyan nama'y ang life line, iyan ang money line. Paikot-ikot ang mga daliring hindi naman talaga nakakakita dahil walang mga mata. Pero nagpupumilit ng makakita, parang braille, 'yung nga lang walang direct translation. Mahirap palang makipag-usap habang ang left hand ay oblivious of the activities of the right hand. "Wala na bang battery ‘yung flashlight? " Ako trying womanfully to sound unaffected by the foreplay of hands and fingers. Succeeding naman. Kailangan kasi ay naririnig pa rin tayo ng kasama nating nagmumuni-muni sa sarili niyang banig. Malamig ang gabi at ang hangin ay hindi nag-disappoint. Parang concert, habang kumakanta ang puso ko ay tuloy ang choreography ng mga bituin. Isang libong falling stars yata ang bumagsak ng gabing ‘yun. Paborito ko ang boxer shorts. Madaling isuot at kasing daling mahubad. Isa pa’y ang expanse ng balat na iniiwan nitong bukas sa balat at sa mata. Nabibilang ng hita ko ang bawat hibla ng buhok sa binti mo. Hindi ko akalaing nakakiliti pala ito at hindi nakakatusok na gaya ng iniisip ko dati. Ang katawan ko ay isang malaking halamang makahiya. Konting kanti lang, kahit na ihip lang ng mainit na hangin ay tumitiklop. Suwerte ba ang insektong mahuhuli nito o malas dahil bagong panganak at hahanapin ng kawawa nitong nanay? Pero walang umiyak dahil sa overly sensitive skin ko. Ako lang, ilang buwan na ang lumipas, pero ibang usapan na ‘yun. "Yun na naman, o." Sabi ng kaibigan nating nawawala na sa kanyang sariling daigdig, kanina pa mang sumagot ako ng oo nga. Marami talagang nahuhulog na bituin. Pero ba’t kaya hindi nababawasan ang nakasabit sa langit? Wala akong ibang nararamdamang galaw mula sa ‘yo. Naririnig ko lang ang mabagal at malakas mong hingang malalim na kung wala ay iisipin kong patay ka na. Pero hindi. Dahil sa init, mainit na mainit. Init na isang bagay lang ang pinanggagalingan, ang kamay mo sa palad ko. O sige, kung magiging technical tayo, ay limang bagay lang, limang daliri. Na hindi naman lumalayo sa lugar na pinagsimulan nila. Kahit na hindi kita nakikita ay nararamdaman ko ang mga mata mo. Habang ako’y nakatingala sa langit at nagbibilang ng nahuhulog na bituin, ikaw naman ay nakatingin sa akin at ano, nagbibilang rin ng bituin? Pero hindi talaga ako makatingin. Baka kasi kapag lingunin kita ay malunod ako sa mga mata mong nagulat rin gaya ko. Nagulat sa mga pangyayari at dahil nandito na ay hindi na mapigilan. Gusto kong sabihin na ‘wag mo ‘kong tingnan. Ayaw ko sanang magkaroon ng alaala ng mga mukhang masayang-masaya o mga bibig na nangingiwi sa sarap o kaya’y mga matang nakapikit. Kung puwede lang sigurong hindi ko nakita ang mukha mo ay pipiliin ko ‘to. Kasi ngayon lahat ng naaalala ko ay may kasamang mukha. Mukhang kahit na hindi ko nakita ng gabing ‘yun ay nakikita ko naman sa liwanag at lamig ng opisina sa Maynila. Mula sa gilid ng mga mata kong pilit na nagbubulagbulagan sa mga pangyayari at sa tingin mo ay may aninong humaharang sa ating dalawa. Aninong hindi lang nagmumula sa dilim ng gabi, anino na rin ng mga salitang hindi natin binibitawan kapag may pagkakataon tayo, harang na dala ng mga sulyap na sana’y madali nating mapagpapalit dahil alam naman ng lahat na supposed to be ay barkada tayo. Ang hindi lang nila alam at ayaw rin nating aminin ay may isang bagay pang higit nating gusto kesa pagiging labeled na magkaibigan lang…magkasintahan? Kalaguyo, mas karnal at mas malapit sa tunay nating gusto. Ni hindi ko nga alam kung saan ka kumakain ng lunch at kung sino ang kasabay mo. Pero kailangan ko pa bang malaman yun eh ang gusto ko lang naman sa ‘yo ay ito. Ang init mo sa banig, ang lakas ng bisig mo sa pagbaba ng basura mula sa bundok, ang banig mong hindi pinapasok ng lamig, at umiiwas sa init. May malamig na simoy ng dagat na humahaplos sa pisngi ko at sa mukha mo. Lamig na kumikiliti sa tenga ko at humihingi ng init na napaka-generous mong ibinibigay. Pero hindi ka gumalaw. At ang init ay nagmula na sa titig mo. Saan na nagtatrabaho ang girlfriend mo? Hindi ako nagulat. Alam ko kasi. Ikaw mismo ang nagsabi, noong nagtataguan tayo sa isa’t isa. Mabuti na lang ay kilala natin ang mga kasali sa laro, kung hindi ay baka matagal na rin tayong tuluyan na lang nagtago. Pero nagtatago pa rin tayo, ‘di ba? Ako mula sa iyo at ikaw naman mula sa akin. Dapat pala ay inagaw ko na ang huling shot ng gin, kasi’y nilalamig na ako. |
|
|